Pages

What do we offer?

"Think Globally, Act Locally" Comics we like, Comics we live, Comics we breathe; Comics we create!
Contact us @
noelregachuelo@gmail.com
brightbirdie@gmail.com
emmagold_man@yahoo.com
+639056434562
noelregachuelo-SKYPE




Friday, December 3, 2010

NABASAGAN NG PULA


DECEMBER 1 2010 [11:54pm]

Malapit nang kumagat ang alas dose ng hating gabi.Kasalukuyan akong naka upo sa sira sirang sofa namin.Gabi-gabi kong nasasaksihan ang nakakaantok na tunog ng ulan sa labas ngbahay namin.Lumabas ako ng saglit para makita itong baseball field naming bakuran pero sobrang dilim.Bigla ako nalungkot. Minsan di mo maiiwasan maging mag-isa sa buhay, sa mga desisyon mo sa buhay.Dagdagan pa ng kulog at kidlat na kung manggulat e parang pinipilit akongmagsisi sa mga kasalanan ko. Ewan, nerbyoso lang siguro ako nitong mga nakaraang araw.Lagi akong umiinom ng kape. Kape,kape at walang katapusang kape. di ako makatulog sa dami ng iniisip ko at gusto kong gawin.Kung minsan hindi ko na alam kung saan pupuntalahat ng mga ginagawa ko.Gusto kong masagad. Gusto kong umiyak.Gusto kong sabihin sasarili ko na hindi ko na kaya. Pero hindi ko mapigilan ang damdamin kong bumangon atisakatuparan ang mga bagay na una kong maisip gawin.Para akong laging hinahabol ng kung ano.Ayokong may nasasayang na oras.Gugustuhin lang yata ng katawan kong magpahinga kung sa hukay na ko hihiga.Pakiramdam ko nalalapit lagi ang panahong iyon.Pinipilit kong paghandaan araw araw ang kamatayan ko, dun naman tayo lahat darating.Ayokong magsisi sa huli. Na hindi ko nagawa ang mga bagay na gusto kong magawa habang magkasama pa ang kaluluwa at katawan ko.Sobrang gulo ng utak ko. Hindi ako makahinga. Ayokong matulog pakiramdam ko ay mayroon bagay na mawawala sa akin. Pakiramdam ko ay may nanakawin ang oras sa akin sa bawat minutong sasayangin ko. Nabigo ako sa maraming bagay.Sa pamilya ko, sa walang kwentang kolehiyo,sa banda ko,sa trabahong kinasuklaman ko,at sa taong minamahal ko. Maraming nawalang nilalang sa buhay ko ngayon. Hindi ko na siguro makakalimutan ang taong ito.Sapilitan nitong binago ang yugto ng buhay ko. Pero kailangan kong gumalaw.Kaya kong hingin sa sarili ko ang kaligayahan ngunit minsan ang kaligayahan e para sa mga taong makasarili lang.Hindi kaligayahan ang pedestal ng buhay ko.Alam kong nadyan lang yan araw araw. Gusto ko munang malaman kung anu pa ba ang silbi ko sa mundong ito.May silbi pa ba ako sa iba? kaya pa ba kong sikmurahin ng mga taong nasa paligid ko? naniniwala pa ba sila sa akin? May patutunguhan pa ba ang paghinga ko sa araw araw na maaalala ko ang mga kabiguan ko? Pakiramdam ko kasi nawala sa akin lahat. Pero isang bagay na natutunan ko sa pagkawala ng mga bagay sa akin. Naging malaya akong gawin ang mga bagay bagay katulad ng pagdodrowing. Hindi ako iniiwan ng hindi kagandahan kong pagdodrowing. Minsan masungit siya, at walang panahon sakin. Pero kapag nilambing ako ng pagkakataon, hindi ako tumitigil sa pag romansa sa mga lapis at tinta dito sa maliit kong drowing table.Hanggang umaga. Paulit ulit. Walang sawang pag-guhit. Dito ko ginagampanan ang lahat ng mga bagay na gusto kong ipaliwanag.Para sa akin, ito ang pinakatotoong bagay na ginagawa ko sa buhay ko.Sa bawat linyang ginagawa ko ay binibigay ko ang bawat piraso ng aking puso at kaluluwa.Sa komiks na ginagawa ko para akong asong may rabies na pinag iinitan ang lahat ng papel na mahawakan ko.Ang komiks ang natatanging bagay sa buhay ko na pumipigil sakin masiraan ng bait. Ito ang bibliya ng buhay ko. Ang kopita ng nag aalab kong damdamin. Ang taling hinahawakan ko sa pagkalugmok ko sa kumunoy ng malupit na mundo.Ang pagkain ng utak ko, at ang naguudyok sa akin magpursiging hanapin at maghintay ng pag asa. Pinapaalala nito ang pagiging tao ko. Mahina, iyakin, lampa, ngunit kayang gumawa ng pagbabagong sisira sa bulok na tradisyon sa lugar na kanyang ginagalawan.Sa komiks ako nabuhay, sa komiks rin ako mamamatay.Nangyari na ang mga nangyari. Pinipilit kong patawarin ang aking sarili ng paunti unti.Sa lahat ng mga nagawa ko sa sarili ko, sa pamilya ko, sa mga kaibigan at kaaway.Araw araw kong hinahanap ang kasagutan.May mga bagay na sadyang mahirap kalimutan at hindi ko na maalis dahil naging parte na ng buhay ko. Pero hindi nito hahadlangan ang kagustuhan kong umasa.Mapalad ako at may mga taong nagtatyaga pang makinig at makipag usap sa akin.Mga taong kaya akong dipahan sa panahon ng kagipitan.Mga taong kaya akong sabayan sa pagbabago.Hindi pa ako nag iisa.Alay ko sa kanila ang komiks ko.

Sa lahat ng bagay na kaya kong intindihin, may mga bagay pa rin sadyang kailangang irespeto ang pagkamisteryoso nito. Katulad ng ulan na bigla nalang tumigil, mga lamok na nagsimulang molestyahin ang mga balat ko.At ang gabing tinuruan akong maghintay ng umaga.

No comments:

Post a Comment